HIGIT 100-K, NAKAPAGREHISTRO NA PARA SA EDUCATIONAL ASSISTANCE

Nasa mahigit 100,000 na mga estudyante na at patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga nagregister online para makatanggap ng educational assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Michael Gaspar, Information Officer ng DSWD FO2, bagama’t nais nitong mabigyan ang lahat ng mga mag-aaral ay nilinaw nito na limitado lamang ang pondo para sa AICS sa rehiyon dos.

Aniya, ang nakalaan na pondo para sa rehiyon dos ay P141 milyong piso, na siyang pinakamalaking budget sa buong Pilipinas.

Ayon kay Gaspar, tinatayang nasa kabuuang 32,855 lang ang mabibigyan ng educational assistance base sa kanilang kalkulasyon kung saan puro College students ang nag-apply.

Pero kung mas marami ang mga elementary students na mag-aapply ay maglalaro pa sa 40 hanggang 50k ang magbebenipisyo sa nasabing ayuda.

Klinaripika rin niya ang text o tawag na matatanggap mula sa DSWD pagkatapos magregister ay hindi pa hudyat na makakakuha na agad ng ayuda kundi appointment schedule lang upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao na nangyari noong unang araw ng distribusyon ng cash assistance.

Ang assessment ay gagawin parin ng mga DSWD social worker sa araw ng payout upang masiguro na ang tatanggap ay ang mga karapat dapat lang.

Ibinahagi rin niya na plano ng DSWD na ibaba rin sa Geographically-Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) ang pamamahagi ng educational grant para sa mga walang gadgets na di makapag register online.

Ang susunod na pamamahagi ng educational assistance ay naka-iskedyul nitong darating na Sabado, Setyembre 3, 2022.

Facebook Comments