Aabot sa 140 migrants ang nalunod matapos masunog ang isang barko sa karagatang sakop ng bansang Senegal.
Sa inilabas na pahayag ng United Nations (UN) International Organization for Migration (IOM), nasa 200 migrants ang sakay ng barko na patungo sana ng Canary Islands sa Spain subalit 20 minuto pa lamang ang nakalilipas ay nasunog ito matapos na maglayag sa baybayin ng Mbour sa Western Senegal.
Sa ulat pa ng UN-IOM, nasa 59 indibidwal ang nasagip ng mga mangingisda habang 20 bangkay ang kanilang narekober na agad na dinala sa Saint-Louis sa Northwest Coast ng Senegal.
Nabatid na umaabot na sa 11,000 ang nagma-migrate sa Canary Islands kung saan karamihan sa mga ito ay iligal na pumapasok sa nasabing isla na nasa ilalim ng gobyerno ng Spain kaya’t nananawagan si IOM Senegal Chief of Mission Bakary Doumbia na magkaroon sana ng pagkakaisa ang kanilang bansa at ang Spain upang matigil na ang trafficking at human smuggling.