Higit 1,000 household sa lungsod ng Pasay, nakatanggap na ng ayuda mula sa pamahalaan

Umabot na sa higit 1,000 household sa lungsod ng Pasay ang nakatanggap na ng cash assistance mula sa national government.

Sa loob ng tatlong araw mula nang simulan ang pamamahagi, nasa 1,085 na household ang nabigyan ng ayuda partikular ang mga pinakaapektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Unang nabigyan ang nasa 319 na pamilya sa Brgy. 51 habang 123 pamilya mula sa Brgy. 104 at nasa 523 naman sa Brgy. 46.


Ang distribusyon ay isinagawa sa Zamora Elementary School sa Barangay 104, Rafael Palma Elementary School sa Barangay 46 habang anim na booth ang inilagay sa Barangay 51 para mas mabilis ang pamamahagi ng ayuda.

Kaugnay nito, personal na binibisita ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang ginagawang pamamahagi upang imonitor ang sitwasyon at masigurong naipapatupad ang minimum health protocols.

Matatandaan na nasa P348 milyon na pondo ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Pasay mula sa gobyerno kung saan target nilang mabigyan ang nasa 348,000 na residente mula sa 201 na barangay na nasa listahang inaprubahan ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR).

Ang mga may katanungan at reklamo hinggil sa pamamahagi ng ayuda ay maaaring makipag-ugnayan sa binuong grievance committe ng Pasay Local Government Unit (LGU).

Facebook Comments