Pumalo sa higit 1,000 ang naitala ng Manila Police District (MPD) na lumabag at naaresto sa iba’t ibang ordinansa at krimen.
Sa datos ng MPD, nasa 1,171 ang kanilang nahuli at natikitan sa loob lamang ng isang araw.
Pinakarami sa natikitan na indibidwal ay mga naninigarilyo sa pampublikong lugar na nasa 490, na sinundan ng mga walang suot pang-itaas na nasa 271.
Umaabot naman sa 174 ang nahuli dahil sa paglabag sa ipinapatupad na batas trapiko habang 116 ang lumabag sa obstruction.
Nasa 69 na magulang ng kabataan naman ang ipinatawag matapos mahuli ang kani-kanilang anak dahil sa curfew kung saan lahat ay binigyan ng warning.
17 indibidwal naman ang naaresto dahil sa iligal na sugal, 4 dahil sa iligal na droga at 15 wanted person ang nadakip ng MPD.
Muling iginiit ni MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon na patuloy ang kanilang trabaho at 24/7 ang kanilang operasyon para manatili ang kaayusan at kapayapaan sa Maynila.