HIGIT 1,000 KATAO SA CAGAYAN, NAABUTAN NG TULONG NI SEN. GO; DAGDAG NA P10-M SA MALASAKIT CENTER, IPINAGKALOOB RIN
Cauayan City, Isabela- Personal na iniabot ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang tulong sa mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha noong nakaraang taon sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ito ay makaraang bisitahin ng senador ang mga Cagayano kahapon kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan.
Dala-dala nito ang iba’t ibang tulong sa mga residente gaya ng grocery packs, mga bitamina, face masks at face shields, bisikleta, computer tablets, sapatos at wheelchairs na personal niyang iniabot sa mga residente.
Nabiyayaan ang nasa 1,300 benepisyaryo ang tumanggap ng tulong mula kay Sen. Go maliban pa sa mga tulong na ibinigay ng DOH, DTI, DSWD AT DOLE.
Bukod dito, binisita rin ni Go ang Malasakit Center sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na isa sa kanyang sinadya sa lungsod.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop na layong bigyan ng medical at financial assistance ang lahat ng Pilipino lalong-lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan at indigent patients.
Kaugnay nito, nagbigay din ang Senador ng karagdagang P10 million para sa Malasakit Center at tumanggap din ng food packs at iba pang kagamitan kontra Covid-19 virus ang higit na 1,400 medical frontliners ng CVMC.
Sa huli, nangako ang Senador na patuloy nitong ipaglalaban ang kapakanan ng mga health workers sa bansa lalo na’t sila ngayon ang may pinakamabigat na responsibilidad sa bansa sa gitna ng nararanasang pandemya.