Higit 1,000 mga estudyante sa elementarya, babakunahan na kontra COVID-19 sa Maynila

Aabot sa 1,080 na bata na pawang mga estudyante sa kindergarten hanggang grade 3 ang nakatakdang mabakunahan ngayong araw sa lungsod ng Maynila.

Ito’y bilang paghahanda para sa pagsisimula ng face-to-face classes sa humigit kumulang 20 elementary schools sa Maynila bukas.

Kabilang sa mga itinakdang vaccination site para sa mga estudyante na edad 5 hanggang 11 ay ang Isabelo Delos Reyes Elementary School, Sergio Osmena High School, Ramon Magsaysay High School sa District, Justo Lucban Elementary School at Sta Ana Elementary School.


Ayon naman kay Principal Randy Emen ng Aurora Quezon Elementary School na matatapos ng 60 nilang estudyante mula kinder hanggang grade 3 ang kanilang face-to-face classes kahit hindi bakunado.

Ito’y dahil sa hindi naman kasama sa panuntunan na unang ipinatupad sa mga paaralang nagsilbing pilot school na dapat bakunado ang mga bata.

Sa kabila nito, hinihikayat pa rin ng mga guro at principal ang mga magulang ng kanilang mga estudyante na pabakunahan na rin ang kanilang mga anak bilang proteksyon at maging ligtas sa COVID-19.

Facebook Comments