Nasa 1,017 mga Locally Stranded Individuals (LSI) ang nakabiyahe na patungong Zamboanga.
Ayon kay Hatid-Tulong Program Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, pasado alas-11:00 kagabi ng ihatid ang mga LSI ng mga truck ng Philippine Army mula Rizal Memorial Sports Complex patungong Manila North Port kung saan isinakay sila ng barko papuntang Zamboanga.
Sinabi pa ni Encabo, na isinalang muna nila sa rapid test ang mga LSI at ang mga negatibo ay pinayagan nang makauwi.
Bukod dito, binigyan din nila ng pagkain at tulong pinansiyal ang mga LSI kung saan pagkarating nila sa kani-kanilang probinsiya ay isasailalim sila ng lokal na pamahalaan sa swab test at 14-day quarantine.
Nabatid na nasa higit 6,500 ang napauwing mga LSI sa pamamagitan ng Hatid-Tulong Program at ang mga natitirang 117 na mga LSI na nasa Rizal Memorial Sports Complex ay ililipat naman sa isang temporary shelter at nakatakdang makauwi sa August 8, 2020.
Dagdag pa ni Encabo, isasailalim sa lockdown ang Rizal Memorial Sports Complex upang magsagawa ng disinfection kung saan nasa 48 na mga LSI ang nagpositibo sa rapid test na kasalukuyang nasa isolation facility at isasailalim ang mga ito sa swab test.