Kasabay nang pag arangkada ng pilot study para sa limited face-to-face learning sa susunod na taon.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones sa Laging Handa public press briefing na umaabot sa 1,114 na mga eskwelahan mula sa kabuuang 61,000 ang inirekomenda ng regional directors ng kagawaran para maisali sa dry run ng face-to-face classes sa mga lugar na tinaguriang low risk sa COVID-19.
Gayunpaman, nilinaw ni Briones na ang mga eskwelahang ito ay kailangan pa ring makasunod sa ilang kondisyon.
Kailangan aniya ay mainspeksyon at ma-evaluate muna ito ng DepEd kung nakakasunod sa health at safety protocols.
Kinakailangan ding aprubado ito ng Local Government Units (LGUs) at may pagpayag ng mga magulang na maisali sa face-to-face classes ang kanilang mga anak.
Sa ngayon, tatlong rehiyon ang piniling hindi lumahok sa dry run kabilang ang NCR, Davao at Cotabato habang mataas ang demand ng mga lalahok sa pilot study ng Regions 4A at Region 8.