Higit 1,000 pamilya, nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Quezon City

Courtesy: Quezon City Government | Facebook

Nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Quezon City ang nasa 1,692 na pamilya dahil sa epektong dulot ng Super Typhoon Karding.

Katumbas ito ng 6,296 na indibidwal na kasalukuyang nasa 68 evacuation center sa buong lungsod.

Sa inilabas na datos ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, pinakamaraming inilikas ay sa bahagi ng District 2 na nasa 793 pamilya.


Ang mga evacuee ay pawang mga nagmula sa Barangay Bagong Silangan, Batasan Hills, Commonwealth, Holy Spirit at Payatas.

Pinuntahan naman ni Mayor Joy Belmonte ang ilang mga evacuation center para kamustahin ang kalagayan ng mga residente na nananatili rito.

Bukod sa mga pagkain, pinamo-monitor din ng alkalde ang kalusugan ng mga evacuee lalo na ang mga nakatatanda at mga bata.

Samantala, hinihimok ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon ang mga pribadong kompanya at mga establisyimento na suspindihin muna ang pasok ng kanilang mga empleyado.

Iginiit ni Mayor Joy na kung hindi naman kakayanin, maaaring magpatupad ng ibang plano tulad ng work-from-home set up upang maging ligtas naman ang mga empelyado sa Super Typhoon Karding.

Inabisuhan din ang mga pribadong kompanya na kung maaari ay maghanda ng mga sleeping quarter o shuttle service para sa mga empleyado na talagang kailangang pumasok ng trabaho.

Facebook Comments