Higit 1,000 Pamilya sa Cagayan, Apektado ngayon ng tuloy-tuloy na Pag-uulan

Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa kabuuang 1,564 pamilya sa buong lalawigan ng Cagayan ang apektado ngayon bunsod ng malawakang pag-uulan.

Batay sa datos ng Unified Command Center ng Kapitolyo, 5,435 indibidwal mula sa 10 bayan na kinabibilangan ng Aparri, Alcala, Ballesteros, Buguey, Gonzaga, Claveria, Lal-lo, Pamplona, Sanchez Mira, Sta. Praxedes at ang Lungsod ng Tuguegarao ang apektado nito.

Kaugnay nito, nasa 34 na barangay mula sa 6 na bayan at nasabing lungsod ang isinailalim sa pre-emptive evacuation dulot ng naranasang pagbaha sa mga kabahayan.


Bukod dito, aabot sa 364 pamilya o katumbas ng 1,204 indibidwal ang nasa mga evacuation center.

Nananatili naman ang ‘bayanihan’ sa probinsya tuwing nagkakaroon ng malakas na buhos ng ulan makaraan ang ginawang pagsagip ng mga magkakapitbahay ang nasa 463 pamilya o 1,536 na indbidwal

Ayon naman sa tanggapan ng Provincial Administrator, nasa pinakamataas na alerto ang mga cluster group ng PDRRMC para tiyakin ang kapakanan ng mga Cagayano.

Samantala, nakahanda rin ang malalaking ospital sa lalawigan na siyang tutugon sakaling magkaroon ng hindi inaasahang sitwasyon ngayong nararanasan ang patuloy na pag-uulan.

Facebook Comments