Nasa 1,600 personnel ang ipapakalat ng Manila Police District (MPD) para sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo sa darating na linggo, January 21, 2024.
Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, kabilang sa mga idedeploy ay ang mga bike at motorcycle patrol.
Kada kanto at kalsada malapit sa simbahan ng Sto. Niño ay mahigpit na seguridad ang ipapatupad.
May mga pulis din na mag-iikot sa ibang lugar sa Tondo para masiguro ang kaaayusan at kapayapaan.
Aniya, bagama’t hindi kasing dami ng pulis ang idedeploy tulad ng nagdaang Traslacion, parehong security plan ang ilalatag ng Manila Police District (MPD) sa selebrasyon ng kapistahan ng Sto. Niño.
Kaugnay nito, nanawagan ang MPD sa mga makikiisa o deboto ng Sto. Niño na kung sasama sa mga aktibidad ay mag-ingat lalo na sa gagawing lakbayaw o prusisyon.