Nasa higit 1,000 COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer ang natanggap na ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ang nasabing 1,170 vials ng Pfizer COVID-19 vaccines ay kasalukuyang nasa cold storage ng Sta. Ana Hospital kung saan personal itong tinanggap ni Dr. Grace Padilla na siyang director ng nasabing hospital.
Nabatid na ang isang vial ng Pfizer COVID-19 vaccines ay katumbas ng anim na doses kaya’t sa kabuuan, nasa 7,020 doses ng naturang bakuna ang hawak ngayon ng Manila LGU.
Nagpapasalamat naman si Mayor Isko Moreno sa pagdating ng mga bakuna pero sa kabila nito, dismayado ang alkalde sa ginagawang pamamahagi ng mga bakuna.
Aniya, “super bagal” daw ang proseso sa pamamahagi ng bakuna ng kinauukulan sa mga lokal na pamahalaan kahit pa may milyun-milyung bakuna na ang dumarating sa bansa.
Iginiit pa ng alkalde na hindi dapat iniimbak ng matagal ang mga bakuna at dapat daw itong ipamahagi ng mabilisan upang hindi masayang at mapakinabangan ng mga nais maturukan nito.
Sa ngayon, pinaplano ng Manila Health Department (MHD) kung paano ang gagawin nilang pagbabakuna na nasa priority groups gamit ang Pfizer COVID-19 vaccines dahil limitado lang ang kanilang hawak.