Higit 1,000 Pulis sa Region 2, Na-Promote

Cauayan City Isabela- Na-promote ng ranggo ang tinatayang 1,121 na pulis na kinabibilangan ng Police Commissioned Officers (PCOs) at Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) mula sa Lambak ng Cagayan.

Batay sa Regional Personnel at Records Management Division (RPRMD), ang naturang promosyon ng mga PNP Personnels sa rehiyon ay bahagi ng 4th Quarter Continuous Promotion Program para sa mga PCOs habang ang mga PNCOs naman ay para sa 1st at 2nd Quarter Regular Promotion program.

Isinagawa ang Mass Oath-taking at Donning of Ranks sa iba’t-ibang Police Provincial Office sa rehiyon nitong Huwebes, Disyembre 16, 2021 sa pangunguna ni Police Brigadier General Steve B Ludan, PRO2 Regional Director.


Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pasasalamat si Police Lieutenant Colonel Vincent Maguddayao, pinuno ng Police Strategy Management Unit ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa isa nanamang nakamit na karangalan.

Hinimok din ni PLTCol Maguddayao ang mga kasamahang pulis na tumaas ng ranggo na laging gampanan ng mabuti at maayos ang trabaho at responsibilidad para makapagbigay ng magandang serbisyo sa publiko.

Samantala, pinarangalan naman sa isinagawang 3-day 1st Regional Director Ludan Shootfest ang mga nanalong pulis mula sa iba’t-ibang kategorya sa nasabing kompetisyon.

Kampeon sa Patrolman category sina Police Staff Sergeant Vilmor C Felipe at Police Staff Sergeant Herminia Lazo; Police Master Sergeant Jake D Binuhe at Police Senior Master Sergeant Reynosa P Pascua sa Police Staff Sergeant Category; Police Major Michael Esteban at Police Lieutenant Djhoanna Marie C Lucas para sa Police Lieutenant-Police Major category at Police Colonel Renell R Sabaldica at Police Lieutenant Colonel Jhonalyn Q Tecbobolan sa Police Lieutenant Colonel-Police Colonel category.

Bukod dito, nakuha naman ang unang pwesto ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office para sa team category habang si Police Brigadier General Steve B Ludan naman ang tinanghal na kampeon sa General Category.

Facebook Comments