Higit 1,000 residente sa Pasay na kabilang sa TUPAD program ng DOLE, makakakuha na ng sweldo

Aabot sa 1,115 na residente ng Pasay City ang makakakuha na ng sweldong ₱5,370 bawat isa dahil sa kanilang partisipasyon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Kabilang sa mga sumailalim sa sampung araw na programa na tinawag din DOLE-TUPAD ‘Barangay Ko-Bahay Ko’ Disinfection and Sanitation project ay mga informal sector workers.

Ito ay mga vendors, labandera, manikurista, construction workers, helpers, cook at iba pa.


Para makasiguradong ligtas, binigyan sila ng Office of the Mayor ng mga face mask at cleaning materials na ginamit nila sa disinfection sa bawat bahay, barangay at komunidad upang maiwasan ang Coronavirus Disease o COVID-19.

Umaasa si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga nakuhang sweldo ng mga residente ay makakatulong upang makabili sila ng mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa gitna ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments