Tuesday, March 3, 2026

Higit 1,000 stranded na Pinoy sa mga paliparan, naalalayan na ng pamahalaan

Higit 1,000 na Pilipino na hindi nakabiyahe patungong Middle East dahil sa flight cancellations ang naasikaso na ng pamahalaan.

Sa Malacanang press briefing, iniulat ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan na 768 ang natulungan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 1 at 3, karamihan ay mula Visayas at Mindanao.

Sa Clark International Airport, halos 100 pasahero rin ang nabigyan ng suporta.

Sa abroad, 132 na mga Pilipino ang inasikaso sa Hong Kong International Airport na dapat sana ay lilipad papuntang Dubai at Riyadh.

May 33 naman sa Changi Airport sa Singapore.

Ang ilan sa mga dumating mula Hong Kong ay nabigyan na ng bagong tiket at inayos ang kanilang pag-uwi sa probinsya.

Nagbigay ang pamahalaan ng pansamantalang matutuluyan, pagkain, at tulong sa lokal na biyahe para sa mga kailangang makabalik sa kanilang lugar.

Samantala, bukas 24 oras ang Department of Migrant Workers (DMW)-OWWA hotline 1348, kung saan mahigit 90 tawag na ang naitala, at karamihan ay mula sa mga pamilyang nagtatanong tungkol sa repatriation.

Sa gitna ng kanseladong flights, tiniyak ng OWWA na may agarang suporta ang bawat Pilipinong nangangailangan.

Facebook Comments