Higit 10,000 Indibidwal sa Cagayan, Apektado ng Pananalasa ng Bagyong Maring

Cauayan City, Isabela- Aabot na sa mahigit 10,000 indibidwal ang labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Maring sa lalawigan ng Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PDRRM Cagayan Chief Ret. Col. Darwin Sacramed, nasa 64 na barangay ang naapektuhan ng kalamidad kung saan aabot sa kabuuang 2,372 pamilya ang apektado nito.

Batay sa datos ng PDRRMO, marami ang naitalang naapektuhang mga pamilya sa bayan ng Baggao kung saan umabot sa 696 o 2,562 na indibidwal.


Batay sa monitoring, bahagyang humuhupa na ang lebel ng tubig sa mga kabahayan kung kaya’t ang ilang residente ay nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan.

Samantala, bukas na sa ilang motorista ang ilang tulay sa lalawigan habang nananatili namang sarado ang ilang kalsada dahil sa mga nagbagsakang punong kahoy na kasalukuyang ang ginagawang road clearing operation.

Unti-unti namang naibabalik na ang suplay ng kuryente sa ilang lugar ng Cagayan.

Umarangkada naman ang PGC Hot Meals on Wheels upang bigyan ng mainit na pagkain ang nasa 200 residente ng Brgy. Aridowen, sa bayan ng Sta. Teresita.

Sa lalawigan naman ng Nueva Vizcaya, maaari ng madaanan ng mga sasakyan ang ilang kalsada sa bayan ng Diadi matapos magtumbahan ang mga punong kahoy maging ang ilang kable ng kuryente na humambalang sa mga kalsada.

Sa kabuuan, patuloy pa rin ang monitoring sa lahat ng lugar sa rehiyon at tuloy-tuloy ang pagbibigay ng family food packs sa mga apektadong pamilya.

Facebook Comments