Higit 1,500 cell tower applications, aprubado na ng LGUs, ayon sa DILG

Naaprubahan ang nasa 1,502 applications na inihain ng telecommunication companies sa mga Local Government Unit (LGU) para sa permit sa pagtatayo ng cellular towers.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nasa 428 applications na lamang ang nakabinbin.

Pinaikli na rin ang pagpoproseso ng mga aplikasyon sa loob ng 16 araw habang 8 araw naman para sa permits mula sa dating 241 araw.


Pagtitiyak ni Año, babantayan ang mga nakabinbing application at aalamin nila sakaling hindi ito maaprubahan.

Kaugnay nito, pinawi ni Pangulong Duterte ang pangambang magdudulot ng cancer sa publiko ang mga telco towers.

Aniya, wala siyang nakikitang dahilan para tutulan ang pagtatayo nito at sa katunayan ay nakatira siya malapit sa isa mga ito nang ilang taon.

Hindi aniya katanggap-tanggap na umaabot ng higit 200 araw ang pagpoproseso ng application at paghingi ng permit.

Nagbabala ang Pangulo sa mga local officials na i-aantala ang pagpoproseso ng permit dahil ang telco projects na inisyatibo ng pribadong sektor ay bahagi pa rin ng proyekto ng pamahalaan para mapabuti ang serbisyo nito sa publiko.

Facebook Comments