Umakyat na sa 174 indibidwal ang nasawi, habang nasa mahigit 320 ang sugatan sa nangyaring stampede sa isang soccer stadium sa Jakarta, Indonesia matapos ang laro sa pagitan ng Arema FC at Persebaya Surabaya.
Ayon sa mga awtoridad, hindi kasi nagustuhan ng mga taga-suporta ng natalong koponan ang resulta ng laro dahilan upang libu-libong indibidwal ang nambato ng mga kagamitan sa players at football officials.
Kasunod nito, limang sasakyan ng pulis ang sinilaban at nauwi sa riot dahilan upang gumamit ang mga awtoridad ng tear gas na nagdulot naman ng panic sa loob ng stadium.
Dahil sa nangyaring insidente, sinuspinde muna ng Football Association of Indonesia ang lahat ng football match nang isang linggo at pinagbawalang maging host ng naturang asosasyon ang Arema FC sa buong season.
Mariing kinondena naman ng FIFA ang nangyari lalo na’t nakapaloob sa kanilang safety regulations na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng teargas o anumang firearms para sa crowd control.
Sa ngayon, ipinag-utos na ni Indonesian President Joko Widodo ang imbestigasyon at nagpaabot din ito ng pakikiramay sa mga biktima ng trahedya.