HIGIT 17K KALAHOK MULA ILOCOS REGION, NAITALA SA 2026 REGIONAL SCIENCE, TECHNOLOGY AND INNOVATION WEEK

Naitala ang higit 17,000 kalahok mula sa Ilocos Region sa ginanap na 2026 Regional Science, Technology and Innovation Week (RSTW) na idinaos sa Dagupan City sa pangunguna ng Department of Science and Technology Regional Office 1.

Sa loob ng tatlong araw, nagsilbing tampok ang iba’t ibang exhibit, interactive activities, at makabagong presentasyon na nagbigay-daan upang maipakita ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa pag-unlad ng rehiyon.

Nasaksihan sa naturang aktibidad ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral, exhibitor, katuwang na ahensya, media partners, at lokal na pamahalaan, gayundin ang suporta ng mga residente na nakiisa sa pagdiriwang.

Binigyang-diin ng DOST na naging matagumpay ang 2026 RSTW dahil sa sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang sektor upang maitaguyod ang temang “Agham na Ramdam” at maipalaganap ang kultura ng siyensya at inobasyon sa bawat komunidad sa Region I.

Facebook Comments