Puspusan nang pinaghahandaan ang malawakang pagbabakuna kontra measles-rubella sa rehiyon uno matapos magsagawa ng planning workshop ang Ilocos Center for Health Development para sa implementasyon ng “Ligtas Tigdas” ngayong 2026.
Isinagawa ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity 2026 Planning Workshop noong Pebrero 18 hanggang 20 sa San Juan, La Union bilang paghahanda sa kampanyang ilulunsad sa Hunyo sa lahat ng lalawigan ng Region I.
Sa aktibidad, pinag-isa ang mga estratehiya ng rehiyon at mga lalawigan upang matiyak ang maayos na microplanning, sapat na koordinasyon, at mas pinalakas na pakikipag-ugnayan sa komunidad para makamit ang mataas na immunization coverage.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng matatag na pamumuno at kolektibong pagkilos ng mga lokal na pamahalaan, health workers, katuwang na ahensya, at komunidad upang maprotektahan ang bawat kwalipikadong bata laban sa measles at rubella.
Ang Ligtas Tigdas 2026 ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Department of Health upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata sa buong bansa.










