HIGIT 1K NA CAUAYEÑO, BIBIGYAN NG AYUDA

Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa mahigit isang libong Cauayeño ang target ngayon na mabigyan ng ayuda sa ilalim pa rin ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kahapon June 14, 2022, inumpisahan ang pagsasagawa ng profiling at assessment ng mga tauhan ng DOLE Region 2 sa Community Center ng brgy District 2 sa mga Cauayeñong pumila at lumahok sa aktibidad na kinabibilangan ng mga ambulant vendors, walang trabaho, solo parent at mga traysikel drivers na galing pa mula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Maria Cinderella Balisi, TUPAD Coordinator ng DOLE Region 2, nasa 1,343 na benepisyaryo ang kanilang target na mabigyan ng TUPAD Assistance para matulungan din ang mga ito lalo na sa ating kasalukuyang sitwasyon na nagmahal na ang mga pangunahing bilihin ganun din ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ipagpapatuloy pa rin ngayong araw ang assessment sa mga Cauayeño at isusunod naman ang pagsasagawa ng orientasyon sa mga napiling benepisyaryo na gaganapin pa rin sa Community Center ng Brgy. District 2.

Ayon naman kay Brgy. Captain at Councilor-Elect Miko Delmendo, ikinatutuwa at ipinagpapasalamat nito ang pagkakaroon ng nasabing programa dahil malaking tulong aniya ito sa mga kababayang higit na nangangailangan ngayong nasa gitna pa rin ng krisis at pandemya.

Katuwang aniya ng DOLE Region 2 ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan sa pagbibigay ng financial assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Anumang araw ay magsisimula na rin sa pagtatrabaho sa kani-kanilang barangay ang mga nakuhang benepisyaryo.

Facebook Comments