Higit 2 milyong Filipino, nakatapos na ng step 1 ng registration para sa National ID

Inihayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na nasa higit 2 milyong Filipino ang nakatapos na sa step 1 ng National ID registration.

Ayon sa NEDA, mabilis na umuusad ang Philippine Identification System (PhilSys) pre-registration sa bansa na ngayon ay nakapagparehistro na ng 2,104,904 na Filipino.

Sinabi naman ni Socioeconomic Planning Chief Karl Chua na sa ikalawang linggo ng pre-registration ay natapos na agad ng higit 2 milyong Pinoy ang step 1 ng PhilSys kung saan katumbas ito ng 21.4% ng target para sa National ID registration hanggang sa buwan ng Disyembre.


Lumalabas naman sa inisyal sa datos ng NEDA na 88.3% ng mga nairehistro ang walang bank account habang 88.6% naman ang may mobile number.

Base pa sa datos ng NEDA, 31 mula sa 32 na mga lalawigan ang patuloy pa rin sa kanilang ikinakasang registration.

Nauna nang sinabi ng ahensya na target nitong maabot at mairehistro ang siyam na milyong Filipino na pawang nasa low income families para sa National ID.

Facebook Comments