Nasa kabuuang ₱26.6 million halaga ng tulong ang naipagkaloob na sa mga matinding nasalanta ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, karamihan sa mga tulong na ito ay ibinigay sa 8 rehiyon sa bansa partikular na ang hardest hit ng bagyo, ang Bicol Region.
Sa ulat ng Department of Health (DOH), nakapagkaloob na rin aniya ang ahensya ng ₱540.5 million halaga ng hygiene kits at collapsible water drinking containers maliban pa sa ₱402.7 million halaga ng mga gamot.
Samantala, sinabi rin nito na makakatanggap ng ₱15,000 crop insurance ang mga magsasakang nasira ang pananim.
Sa ngayon, nasa higit ₱1.4 billion ang pinsala sa agrikultura sa lugar kung saan halos ₱1.3 billion dito ang pinsala sa abaca na pangunahing kabuhayan sa Catanduanes.
Una nang sinabi ni Catanduanes Governor Joseph Cua na ang Super Typhoon Rolly na ang pinaka-malakas na bagyong tumama sa kanilang lugar na mas malakas pa sa Bagyong Yolanda na tumama noong 2013.