Higit 200 COVID-19 patients at health workers na nasa flood-prone facilities, nailipat na sa mga hotels ayon sa DOH

Umaabot sa higit 200 COVID-19 patients at health workers na nasa flood-prone Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) sa Luzon ang nailipat na sa iba’t ibang hotel sa gitna ng hagupit ng Bagyong Ulysses.

Base sa ulat ng Department of Health (DOH), mula alas-10:30 ng umaga, nailipat na ang mga pasyente at health worker ng (TTMFs) sa tulong na rin ng COVID-19 Oplan Kalinga Team.

Nasa 36 pasyante at anim na staff mula sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila ang inilipat sa Nice Hotel sa Mandaluyong habang 41 na pasyente at 26 staff ng Rizal Memorial Coliseum ang dinala sa Nice Hotel Arayat.


Aabot naman sa 41 na pasyente at 15 staff mula sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan ang inihatid sa Nice Hotel sa McArthur habang 28 na pasyente at 31 staff sa Philippine International Convention Center sa Pasay City ang tumutuloy ngayon sa Nice Hotel sa North EDSA.

Ang TTMFs na mas kilala bilang Mega Ligtas COVID Centers ay pinapatakbo ng national government kung saan siniguro naman ng DOH na ang mga Centers for Health Development (CHD) na dadaanan ng Bagyong Ulysses ay may sapat na suplay ng gamot at mga kagamitan kabilang na ang mga Personal Protective Equipment (PPE).

Ang mga operation centers sa CHD sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol ay patuloy ang 24/7 na trabaho kung saan nakikipag-ugnayan na sila sa mga health offices at concerned government agencies habang nananatiling naka-alerto ang Health Emergency Response Teams.

Facebook Comments