Umaabot sa mahigit sa 200 indibidwal ang nasuri sa unang araw ng pag-arangkada ng libre na drive-thru COVID-19 testing center sa lungsod ng Maynila.
Sa datos na ibinahagi ng chief of staff ni Manila Mayor Isko Moreno na si Cesar Chavez, aabot sa 236 ang mga naisalang sa COVID-19 testing kahapon, July 15, 2020.
Sa nasabing bilang, 158 ng mga nasuri ay mga lalaki habang 78 ay mga babae.
Ang mga health workers ng Manila Health Department (MHD) ang gumagawa ng pagsusuri kung saan kukuhanan ng blood samples ang mga nais na magpasuri.
Matapos nito, ipoproseso ang mga blood samples sa mga bagong COVID-19 serology testing machines at malalaman ang resulta sa loob ng 24 oras.
Kaugnay nito, magpapatuloy ngayong araw ang drive-thru COVID-19 testing na ginagawa sa harap ng Andres Bonifacio Shrine na nagbukas kaninang alas-8:00 ng umaga at magtatapos alas-5:00 ng hapon.
Maaaring sumalang dito ang mga naka-kotse, motorsiklo o naka-bisikleta para mawala na rin ang agam-agam o pag-aalala nila sa COVID-19.
Sa ngayon, unti-unting bumibigat ang daloy ng trapiko sa P. Burgos patungong Lawton dahil sa pila ng mga sasakyan patungo sa drive-thru COVID-19 testing center.