Higit 200 insidente ng vote buying, naitala ng DILG mula Enero hanggang sa mismong araw ng halalan

Umaabot sa 245 na insidente ng vote buying ang naitala ng mga otoridad.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na 28 mga indibidwal naman ang nadakip hinggil sa vote buying.

Ayon pa kay Año ang kabuuang 245 na insidente ng vote buying ay kanilang naitala mula Enero a-uno hanggang nitong araw ng eleksyon, Mayo a-nuebe.


Paliwanag pa nito na bagama’t 41 ang itinuturing nilang mga suspek, 28 lamang sa mga ito ang naaresto at ang 13 ay hinahanapan pa ng mga ebidensiya.

Sa naturang bilang 25 rito ang validated, dalawa pa ang patuloy na iniimbestigahan, apat ang naidulog sa prosecution office at isa naman ang naihain na ang kaso sa korte.

Samantala, sa mga permit to campaign na inilabas ng New People’s Army (NPA), sinabi ni Año na wala silang na-monitor na mga politikong pumatol o nagpasuhol sa mga komunistang grupo para makapangampanya.

Facebook Comments