Higit 2,000 doses ng bakuna, naiturok sa nagpapatuloy na “Resbakuna sa mga Botika”

Simula nang umarangkada ang “Resbakuna sa mga Botika” noong Biyernes, January 21 hanggang kahapon Jan. 24, 2022, umaabot na sa 2,626 doses ng mga bakuna ang naiturok sa mga piling botika at health clinic sa Metro Manila.

Sa datos na ipinresinta ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, 912 dito ay Sinovac booster doses habang 1,714 naman ang AstraZeneca.

Kabilang sa mga kasaling botika at clinic na ongoing ang pagbibigay ng booster shot ay ang Mercury drugstore Malate, Manila, Pres. Quirino branch, Watsons SM Super Center Pasig branch, The Generics Pharmacy Parañaque branch, Generika Signal 1 branch sa Taguig, Southstar Drug Marikina branch, Qualimed sa McKinley at Healthway Manila Clinic.


Samantala, bukas ay aarangkada na rin ang “Resbakuna sa mga Botika” sa Baguio City.

Pinaghahandaan na rin sa ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbibigay ng bakuna sa mga commuter o mananakay ng Metro Rail Transit o MRT 3 partikular sa Cubao, Shaw, Boni at Ayala stations.

Facebook Comments