Higit 250,000 taga-Metro Manila, nananatiling hindi bakunado

Tinatayang nasa 250,000 pang mga taga-National Capital Region (NCR) ang hindi pa nababakunahan.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin Abalos na ang mga ito ay hindi na muna papayagang makalabas ng tahanan maliban na lamang kung sila ay bibili ng essential goods.

Paliwanag ni Abalos, ang mga Local Government Units (LGUs) ay magpapasa ng ordinansa na nagbabawal sa paglabas ng mga hindi bakunado dahil napatunayang mas matindi ang epekto ng COVID-19 sa mga unvaccinated.


Tinitiyak naman nito na magiging mabilis na lamang ang pagpasa ng ordinansa lalo na’t mayroon na itong template.

Kasunod nito, sinabi ni Abalos na makakatuwang nila ang mga LGUs, pribadong sektor at ang PNP sa pagtitiyak na nasusunod ang mga ito.

Magkakaroon aniya ng random checkpoint sa mga pampublikong lugar, mga malls at iba pa at dapat palaging dala-dala ang vaccination card at ID.

Una nang sinabi ng Metro Manila Council (MMC) na ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P20,000 hanggang P50,000 o pagkakakulong ng hanggang 6 na buwan.

Facebook Comments