Higit 268K ng Philsys ID, Naipamahagi na sa mga Isabeleño

Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 268,612 Philsys ID ang naipamahagi na sa mga Isabeleño batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cristilu Geronimo, Philsys Focal Person, nasa 90% na ang naipamahaging ID mula sa kabuuang 293,476 na natanggap ng Philippine Postal Corporation mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa katunayan aniya, 1,165,526 ang rehistrado na sa Philippine ID System sa buong lalawigan.

Sa kabila ng patuloy na pagtanggap sa mga nagpaparehistro, hinimok nito ang ilan sa mga rehistrado na hindi pa nakakatanggap ng ID na magtungo lamang sa pinakamalapit na Postal Office upang beripikahin ang kanilang kopya ng pagkakakilanlan sa naturang tanggapan.

Paalala naman sa publiko na huwag kalimutan na dalhin ang transaction slip pero kung sakali man aniya na nawala ang slip ay magdala ng anumang patunayan na pagmamay-ari ng isang indibidwal ang naturang Philsys ID.

Samantala, pansamantalang hindi muna makakapag parehistro ang ilang Isabeleño sa mga bayan ng Maconacon, Divilacan, Dinapigue, Luna, San Guillermo at Sto. Tomas habang ang Palanan ay ‘in-operation’ naman.

Nananatili naman na bukas ang mga registration site na nakabase sa mall sa Santiago City, Cauayan City at NorthStar Mall.

Paalala nito sa publiko na ingatan ang ID at iwasan na ipahiram sa iba para matiyak na hindi magagamit sa anumang hindi kanais-nais na sitwasyon.

Facebook Comments