Umaabot sa 28,600 indibidwal ang naitalang lumahok sa ikinasang Trabaho Negosyo Kabuhayan Job and Business Fair na ikinasa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Araw ng Kalayaan.
Sa datos na ipinasa ng Bureau of Local Employment kay Labor Secretary Silvestre Bello III, 2,405 aplikante ang na-hired on the spot habang 9,537 naman ang ikinukunsiderang natanggap na rin sa trabaho.
Ayon pa kay Bello, nasa 1,163 employers ang nakilahok sa nasabing job fair kung saan nasa 151,325 na local and overseas na trabaho ang alok ng mga ito.
Samantala, nasa 315 na aplikante ang isasailalim sa training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) habang 190 ang ini-refer sa Bureau of Workers with Special Concerns para sa livelihood training/assistance.
Nasa 267 naman ang inilapit sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga katanungan at iba pang concern sa kanilang negosyo.