Umabot sa 102 pamilya o katumbas ng 380 indibidwal ang naitalang bilang ng mga residenteng lumikas sa bayan ng Sual, Pangasinan, bago at habang nananalasa ang bagyong Emong.
Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Maria Lourdes Sabido, Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer ng Sual, tiniyak niyang naging maagap ang kanilang pamahalaang lokal sa pagtanggap sa mga evacuee. Ayon sa kanya, maayos ang kondisyon sa evacuation center, kumpleto sa pagkain, sapat na espasyo, at may mga nakahandang doktor upang agad na makapagbigay ng serbisyong medikal.
Ibinahagi naman ni Karla Adriano, Local DRRM Officer ng Sual, na malaki ang naging papel ng advanced monitoring at maagang abiso sa mga residente upang maiwasan ang anumang sakuna. Bago pa man tumama ang bagyo, inalerto na ang mga lugar na posibleng maapektuhan.
Sa gitna ng paglikas, tumatak sa mga residente ang kabutihang loob ng isang evacuee na hindi iniwan ang kanyang alagang aso, bitbit niya ito patungong evacuation center bilang bahagi ng kanyang pamilya. Patunay na hindi lamang tao ang iniligtas kundi pati mga hayop na bahagi ng kanilang tahanan.
Matapos bumuti ang panahon at sumikat ang araw kahapon, Hulyo 25, ay nakauwi na rin ang mga evacuee sa kani-kanilang mga tahanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







