Inamin ng Bureau of Fire Protection (BFP) na aabot sa 332 lungsod at munisipalidad sa bansa ang walang fire trucks.
Base sa datos ng BFP, karamihan sa mga lugar na walang fire trucks ay sa Bangsamoro region (BARMM), na nasa 96.
Sumunod ang Eastern Visayas na may 26, Central Visayas na may 24, Northern Mindanao na may 23, habang ang Ilocos at Zamboanga Penisula na kapwa may 22 localities.
Lahat ng 16 na siyudad at isang bayan sa Metro Manila ay mayroong fire trucks.
Ayon kay BFP Chief, Director Leonard Banago – marami pa ang kailangang gawin bago magkaroon ng fire trucks ang lahat ng localities sa bansa.
Halimbawa, kung ang isang truck ay dapat makapagsilbi ng 28,000 tao, kinakailangan pa ng 3,606 na truck.
Aminado si Banago na mayroon lamang silang 2,781 fire trucks, kulang pa sila ng 825 units para makamit ang target.
Lumalabas sa records ng BFP na 165 fire trucks ang unserviceable habang 97 ang sumasailalim sa pagsasa-ayos.
Inaasahan namang darating ngayong taon ang mga bagong fire trucks na binili nila nitong 2018 sa isang Japanese commercial vehicle and diesel engine manufacturing company.