Higit 300 personnel ng PCG, nagpositibo sa COVID-19

Aabot sa 313 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nagpositibo na sa COVID-19.

Sa inilabas na pahayag ng Coast Guard, ang mga nasabing tauhan nila na nagpositibo sa COVID-19 ay ang mga nakadestino sa strategic areas para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga Returning Overseas Filipino (ROF) at kanilang mga pamilya.

Kabilang din sa inaasikaso ng PCG ay ang mga Locally Stranded Individual (LSI), mga kapwa frontline workers gayundin ang maritime stakeholders kasama ang mga mangingisda, ship crew, at cargo truck drivers.


Ayon kay PCG Commandant, Vice Admiral George Ursabia Jr., kaniya nang inatasan ang PCG Task Force Bayanihan ROF na agad na ipull-out ang mga infected personnel sa kanilang mga station kung saan bibigyan sila ng medical assistance at ibang suporta para sa mabilisan nilang paggaling.

Bunsod nito, sinabi ni Admiral Ursabia na paiigtingin nila ang kampaniya kontra COVID-19 upang makontrol ang pagkalat ng virus sa kanilang mga tauhan.

Sa nasabing bilang na 313, karamihan sa mga nagpositibo ay asymptomatic habang 83 sa kanila ay nakarekober at nagnegatibo na sa COVID-19 base sa latest swab test result na hawak ng PCG.

Facebook Comments