Cauayan City, Isabela- Umabot sa 378 piglets at 1,197 na sako ng feeds ang inisyal na ipinamahagi sa mga hog raiser na apektado ng African Swine Fever sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Ayon kay Dr. Manuel Galang Jr., ASF focal person ng DA Regulatory Division, determinadong buhayin ang industriya ng pagbababoy sa rehiyon dos sa ilalim ng livestock program kung saan nauna nang gumulong ang Swine Repopulation, Rehabilitation, and Recovery (R3) at ang pagbibigay tulong sa mga magsasakang apektado ng African Swine Fever na banta sa kabuhayan ng libu-libong small, medium, and large-scale hog raisers.
Inihayag rin ni Dr. Galang na may ilang tao ang kanilang isinailalim sa pagsasanay upang makatulong sa maagang pagtukoy ng sintomas ng ASF sa mga alagang baboy.
Matatandaan na 87 bayan sa rehiyon dos ang mas pinalakas ang BABay ASF kung saan 13 siyudad at munisipalidad ang pinagtibay ang mga ordinansa habang ang dalawang provincial ordinances ay nagpasa rin ng kaparehong ordinansa at ang iba ay nasa ilalim ng pagsusuri.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng distribusyon ang ahensya sa Cagayan at Isabela sa darating na Setyembre 22, 2021.
Nasa 420 piglets ang ipapamahagi sa Cagayan habang 189 naman sa Isabela kasama na rin ang sacks of starter, fattener, finisher feeds at vitamins.
Sa usapin naman ng swine insurance, sinabi ni Dr. Galang na 2,555 hog raisers sa rehiyon ang nai-enrol na ang nasa 4,708 heads ng alagang baboy sa Philippine Crop Insurance Corporation habang 2,741 fatteners ang na-insured ang 12,838 heads ng alagang mga baboy.