Manila, Philippines – Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patuloy nitong isusulong ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III – ang PUV modernization program ay flagship project ng Duterte administration sa transportation sector.
Sa datos ng LTFRB, aabot sa 132 franchise sakop ang 3,393 modern units ang nag-o-operate sa ilalim ng PUV modernization program.
Mula sa nasabing bilang ng modernized units, nasa 2,297 dito ay pampasaherong jeep, 424 na bus o mini-bus at 624 na UV express.
Sinabi ni Delgra na ang PUVs ay bumibiyahe na sa iba’t-ibang panig ng bansa, kabilang ang Metro Manila, Tacloban, Cebu, Bohol, Caraga, General Santos, Iloilo at Cagayan de Oro.
Aminado naman ng LTFRB na marami pang isyu na kailangang resolbahin sa programa kabilang na ang supply.
Sa ngayon, aabot sa 20 local at international companies ang nagma-manufacture ng modern units para sa programa.