Higit 30k benepisyaryo, nakinabang sa Kabuhayan Program ng DOLE

Mahigit 30k benepisyaryo ang tumanggap ng tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, kabuuang 35,598 benepisyaryo ang nakinabang sa programa kung saan tumanggap sila ng P706 milyon.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng kapital tulad ng materyales, kagamitan, kasangkapan at pasilidad na kanilang kakailanganin ang mga benepisyaryo na gustong magsimula, palakasin, o magsimulang muli sa kanilang kabuhayan.


Para naman masigurong magiging matatag ang kanilang pangkabuhayan, binigyan din sila ng personal protective equipment, micro-insurance at mga seminar.

Pagpasok ng Mayo, nasa 700,000 na manggagawa mula sa informal sector ang nakinabang sa mahigit P4 bilyong emergency employment at tulong-pangkabuhayan ng DOLE.

Facebook Comments