Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 31,505 pamilya o 84,257 indibidwal mula sa 24 na bayan at 1 siyudad ang nananatiling apektado ng malawakang pagbaha dahil sa naranasang malakas na buhos ng ulan sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Governor Manuel Mamba, nakipag-ugnayan na ito sa Northern Luzon Command ng Philippine Air force (NOLCOM) para sa hiling na air asset upang matulungan ang mga residenteng nananatili sa mga lugar na lubog pa rin sa baha.
Batay naman sa datos ng PDRRMO, naitala ang 8 patay sa pananalasa ng bagyo kabilang ang magkakamag-anak na natabunan ng gumuhong lupa at ang tatlong iba pa na pawang nakuryente sa kasagsagan ng pag-uulan.
Una nang hiniling ni Mamba sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na i-shutdown ang suplay ng kuryente para maiwasan na madagdagan ang mga nasawi sa pagkakuryente.
Bukod dito, naitala naman ang critical level ng tubig sa Buntun bridge na umabot sa 12.8 meters dahilan para pansamantalang isara ang malaking bahagi ng daan sa lungsod ng Tuguegarao.
Samantala, trending naman ngayon sa social media ang #CagayanNeedshelp dahil makaraan ang kaliwa’t kanang panawagan ng mga residente na tulungan sila sa kanilang sitwasyon.
Ayon naman kay Provincial Administrator Ret. Col. Darwin Sacramed, hindi inakala ng ilang residente sa linao west ang kahihitnan ng kanilang sitwasyon mula sa halos 40 taon ay muling nangyari ang ganitong sitwasyon.
Sa ngayon ay magsasagawa ng pagpupulong ang legislative branch ng lalawigan para sa inaasahang pagdedeklara ng state of calamity sa probinsya.