Bukas ang nasa mahigit 40 milyong manggagawa sa bansa na magpabakuna kontra COVID-19 vaccine pero hindi sila maaaring pilitin.
Ito ang inihayag ni Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay sa interview ng RMN Manila kaugnay sa “no vaccine, no work policy” na gusto umanong ipatupad ng mga kompanya.
Ayon kay Tanjusay, may natatanggap silang mga reklamo sa ilang manggagawa na hindi sila pinagre-report sa trabaho kung hindi sila makikibahagi sa company-sponsored COVID-19 vaccination activities.
Giit nito, wala silang pagkwestyon sa nais ng mga kompanya na bakunahan ang kanilang manggagawa ngunit hindi maaring ipilit ito.
Maituturing aniya ito na isang uri ng coercion at discrimination na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.
Una nang binigyan-diin ng Malakanyang at Department of Labor and Employment (DOLE) na labag sa batas ang “no vaccine, no work policy”.
Sa interview ng RMN Manila ni Labor Sec. Silvestre Bello III, sinabi nito na ang pagpapabakuna ay hindi sapilitan ngunit mas maganda pa rin na magpabakuna ang mga mangagawa para unti-unti nang bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Kasabay nito, kinumpirma ni Bello na kasama sa priority list ng gobyerno sa mga babakunahan ang mga minumum wage earners at Overseas Filipino Workers.