Higit 400 empleyado ng TV network na Intercontinental Broadcasting Corporation, nanganganib na mawalan ng trabaho kapag nag-shutdown ito sa 2023

Nanganganib mawalan ng pagkakakitaan ang higit 400 empleyado ng television network na Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) kapag nagsara na ito sa 2023.

Sa isang panayam, sinabi ni IBC president Hexilon Alvarez na lubhang makakaapekto ang pagsara ng network sa mga empleyado bunsod ng walang pondo na nakalaan dito sa 2023 national budget.

Dagdag pa nito, may nakabinbin itong obligasyon sa mga empleyado at maging sa mga retirees nito na matatanggap pa lamang ang kanilang collective bargaining agreement (CBA).


Ani Alvarez, sinusubukan nilang bayaran ang aabot sa 146 nitong retirees nang pautay-utay kada buwan.

Dahil dito ay umapela na ito sa Department of Budget and Management (DBM) na mag-isyu ng erratum sa kanilang proposed 2023 national budget habang nanawagan si IBC Employees’ Union President Alberto Liboon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng agarang aksyon upang mapigilan ang napipintong pagsara ng network.

Mababatid na inungkat ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang kalagayan ng IBC sa pagdinig ng House Appropriations Committee noong Biyernes kung saan wala itong natanggap na pondo kahit humingi na sila para rito.

Facebook Comments