Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa 471 na hog growers sa probinsya ng Nueva Vizcaya na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang nabigyan ng tulong mula sa pamahalaang panlalawigan at Department of Agriculture (DA).
Ayon sa ibinahaging impormasyon ni Dr. Cristopher Seraspi, provincial veterinarian, umaabot na sa P5.4 milyong piso na cash assistance ang naibigay sa mga apektadong may-ari ng baboy na tinamaan ng ASF at isinailalim sa culling o ibinaon sa lupa.
Kanyang sinabi na umaabot sa 2,909 na apektadong baboy ang ibinaon sa lupa na galing sa labing dalawang (12) bayan sa probinsya simula noong tumama ang sakit ng baboy noong Marso 2020.
Sa kasalukuyan, ASF Free na ang mga bayan ng Bambang, Dupax Del Sur at Alfonso Castaneda dahil wala nang naitatala na kaso ng ASF sa lugar.
Kaugnay nito, patuloy naman ang ginagawang monitoring at disinfection sa mga bayan na nakapagtala ng kaso ng ASF upang hindi na kumalat at madamay ang mga karatig na lugar.