Higit 400 Hog Raisers sa 3 Bayan ng Isabela, Tumanggap ng P11.8 Milyon

Cauayan City, Isabela- Umabot sa 493 hog raisers na apektado ng African Swine Fever ang nakatanggap ng indemnification pay mula sa Department of Agriculture (DA) region 2 nitong Martes, Disyembre 7, 2021.

Nasa kabuuang P11.8 million ang halagang ipinamahagi sa mga magbababoy makaraang isailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy sa bayan ng Quirino, Mallig at Quezon sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, susundan ito ng pamimigay ng sentinel piglets na may kasamang bitamina, starter, grower at finisher feeds.


Aniya, makalipas ang isang buwan na walang impeksyon na masuri mula sa sample ng dugo ng baboy at ideklarang ligtas ng Integrated Laboratories ay magbibigay pa ng karagdagang dalawang biik upang simulan ang swine repopulation.

Kaugnay nito, siniguro naman ni Quirino, Isabela Mayor Edward Juan na ibabalik nila sa tamang porma ang industriya ng pagbababoy.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Jose Calderon ng bayan ng Mallig sa ahensya sa ginawang pagtulong sa nag-aalaga ng baboy habang hinikayat ni Mayor Jimmy Gamazon ng Quezon ang hog raisers na makipag-ugnayan sa DA.

Matatandaan na ang lalawigan ng Isabela ang matinding tinamaan ng ASF sa mga alagang baboy.

Facebook Comments