Tiniyak ng mga ahensya ng pamahalaan ang tuluy-tuloy na suporta sa pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa gitna ng sigalot sa Israel.
Kumilos na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at lokal na pamahalaan ng Basista at binisita ang pamilya upang tiyakin ang pagproseso ng mga benepisyo at mapabilis ang repatriation o pag-uwi ng mga labi ni De Vera.
Patuloy rin ang koordinasyon ng mga ahensya sa Embahada ng Israel sa kabila ng limitadong biyahe sa Middle East, kabilang na ang pagtulong sa pagbabalik ng kanyang asawa at kapatid sa bansa.
Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ang agarang pinansyal na tulong sa pamilya sa pamamagitan ng mga kinauukulang ahensya.
Nasawi si Mary Ann De Vera, isang caregiver mula Pangasinan, matapos tamaan ng missile ang kinaroroonan nilang gusali sa Tel Aviv noong Pebrero 28 habang inaalalayan umano niya ang kanyang amo patungo sa bomb shelter.
Ayon sa mga awtoridad, magpapatuloy ang suporta sa pamilya hanggang sa maihatid sa bansa ang mga labi at ganap na maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa naulilang pamilya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










