Higit 400 Libong Isabelino, Kabilang sa Matuturukan ng COVID-19 Vaccine

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa mahigit 400,000 na mga Isabelino ang nakabilang sa listahan na prayoridad ng pamahalaang panlalawigan na maturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Sa ginanap na pulong ng PDRRMC kahapon, sinabi ni National Health Immunization Program Coordinator Chamille Claravall na nasa 403,813 Isabelino o 25.92 porsiyento mula sa kabuuang populasyon ng probinsya ang nailista na mabibigyan ng bakuna.

Ang mga nasa listahan ay binubuo ng mga frontline health workers sa mga local health facilities, public health, Barangay Health Worker, Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), at iba pang mga nasa ahensya ng gobyerno.


Kabilang din sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga nasa vulnerable sector gaya ng mga mahihirap na senior citizens, mga natitirang senior citizen, mahihirap na mamamayan at mga uniformed men personnel.

Ito ay upang matiyak na ang mga indibidwal na nasa ‘highest risk of exposure’ ay maprotektahan.

Kaugnay nito, nakahanda na ang mga vaccination sites mula sa 34 bayan at dalawang Lungsod sa Probinsya na kung saan ay ikinunsidera ang mga Community Centers at paaralan sa bawat munisipalidad para sa mas malawak na pagbabakuna at matiyak na maobserbahan ang social distancing at iba pang minimum health protocols.

Ilan sa mga natukoy na vaccination sites sa probinsya ay ang Isabela Provincial Hospital, district hospitals, rural health units, private at public hospitals gaya ng Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, San Antonio City of Ilagan Hospital, Camp Melchor F. dela Cruz Station Hospital sa Gamu at Isabela Doctors Medical Center sa Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments