Nasa higit 400 tawag na ang natanggap ng Department of Education (DepEd) mula sa mga magulang at estudyanteng may katanungan hinggil sa pagbubukas ng klase sa August 22.
Sa loob pa lamang ito ng dalawang araw na operasyon ng Public
Assistance Command Center ng ahensya na inilunsad kasabay ng Oplan Balik Eskwela 2022 kahapon, August 16.
Mula sa 470 concerns hinggil sa pagbabalik-eskwela, 220 ang may kinalaman sa enrollment; sinundan ng other matters na may 84 at school policy and operations na may 68.
Kabilang sa mga pangunahing concern sa enrollment ay requirements para sa mga transferee, incomplete enrollment requirements at enrollment confirmation ng mga estudyante.
Inilunsad ng DepEd ang command center para makapagbigay ng mas madaling koordinasyon sa pagitan ng ahensya at ng publiko hinggil sa mga problemang posibleng kaharapin sa pagsisimula ng pasukan.
Muli namang tiniyak ni Vice President Sara Duterte na nakahanda na ang DepEd sa pagbubukas ng klase sa Lunes.