Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 44,789 ang mga alagang baboy sa Cagayan Valley ang napasailalim sa culling batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA) region 2.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay DA Regional Executive Director Narciso Edillo, pumalo na sa 7,639 ang kabuuang bilang ng mga magsasakang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) simula ng kumalat ang naturang sakit.
Base sa datos,549 na ang barangay na apektado nito kung saan malaking porsyento sa lalawigan ng Isabela na halos 75% o 390 barangays affected habang 67 na bayan ang naitalang tinamaan nito.
Ayon pa kay Edillo, pinaplano na rin ang repopulation ng mga alagang baboy sa mga lugar na hindi apektado nito sa rehiyon dos upang kahit papaano ay may mapagkukunan pa ring suplay nito.
Sinabi rin niya na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng indemnification o ayuda sa mga magsasakang naapektuhan at nasa higit P8 milyon na ang naipamahaging tulong ng ahensya.
Samantala, naitala naman ang huling kaso ng 2nd wave ng ASF sa (March 3, 2021) bayan ng Enrile at Buguey sa lalawigan ng Cagayan.
Sa ulat, nasa kabuuang 75,842 na baboy na ang kabuuang naitalang namatay dahil sa ASF kabilang ang mga naitala sa commercial farms, culling at sa mga backyard hog raisers sa buong region 2.
Hinimok naman ng opisyal ang publiko na ipagbigay alam sa mga tanggapan ng DA ang anumang kaso ng pagkamatay ng alagang baboy.