Muling nakapagtala ang lungsod ng Maynila ng pinakamataas na bilang ng nabakunahan sa loob ng isang araw.
Sa datos na inilabas ng Manila LGU, umabot sa 42,645 ang bilang ng nabakunahan sa lungsod.
Dahil dito, pumalo na sa 686,334 ang kabuuang bilang ng mga nakatanggap na ng COVID-19 vaccine sa lungsod.
Sa nabanggit na bilang, 518,943 ang nabakunahan ng first dose at 166,391 naman ang nakakumpleto na ng second dose.
Tuluy-tuloy naman ang ginagawang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan ngayong araw kung saan mas maraming COVID-19 vaccines ang inilaan sa itinalaga nilang vaccination sites.
Nabatid na nasa tig-3,000 doses ang inilaaan sa apat na mall habang tig-1,500 doses sa 18 paaralan para sa mga nais magpaturok ng kanilang first dose mula A1 hanggang A5 category.