HIGIT 42-M HALAGA NG MARIJUANA, NASAKOTE SA KALINGA

Nasa mahigit P42 milyon pisong halaga ng sako-sakong marijuana bricks at sa tubular form ang nasakote ng mga awtoridad sa Sitio Silay, Poblacion, Tinglayan, Kalinga nito lamang Disyembre 23, 2022.

Sa nakuhang impormasyon sa Police Community Affairs and Development Group Cordillera, ang pagkakadiskubre ng mga kontrabando ay nag-ugat sa sumbong ng isang concerned citizen kay PMaj Domic Rosario ng Provincial Drug Enforcement Unit ukol sa tangkang pagbiyahe ng isang indibidwal ng mga marijuana mula Tinglayan patungong Tabuk City sana.

Ayon pa sa nagsumbong, inilagay ng naturang indibidwal ang mga marijuana sa gilid kalsada ng nasabing lugar.

Agad naman itong pinuntahan ng mga operatiba ng Tinglayan MPS, PIU/PDEU RID PROCOR, RPDEU at 2nd Kalinga PMFC kung saan tumambad nga sa kanila ang sako-sakong mga marijuana.

Narekober nila sa lugar ang tinatayang 358 kgs ng marijuana na may standard drug price na P42,960,000.

Ayon sa ulat, sinubukan din umanong abangan ng mga awtoridad ang suspek sa pagbibiyahe sana ng mga marijuana ngunit bigo sila.

Samantala, dinala sa Kalinga Forensic Unit ang mga narekober na marijuana para sa wastong disposisyon.

Facebook Comments