Higit 43,000 na establisyemento, nakakuha na ng Safety Seal Certification

Umaabot na sa 43,332 na pampubliko at pribadong establisyemento ang nabigyan na ng Safety Seal Certifications.

Ito’y sa pamamagitan ng joint efforts ng Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Tourism (DOT), at Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ang nasabing certification program ay malaking tulong sa unti-unting pagrerekober ng ekonomiya ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.


Sa pamamagitan din nito ay mahihimok ang mga mamimili na lumabas at magtungo sa mga establisyemento kasabay ng pagsisiguro na ligtas sila sa hawaan ng virus.

Isa rin itong paraan para malaman ng publiko na ang bawat establisyemento ay nakakasunod din sa pagpapatupad ng health protocols na inilatag ng pamahalaan.

Kaugnay nito, hinihimok ni Lopez ang iba pang mga negosyante na kumuha na rin ng Safety Seal Certifications para makapagsimula o muling makapagbukas ng negosyo kasabay ng pagtulong upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Maging si DILG Secretary Eduardo Año ay pinayuhan na rin ang iba pang establisyemento at business owner partikular ang mga nasa ilalim ng strict quarantine restrictions na maglaan na ng panahon para makapag-apply ng Safety Seal certification.

Facebook Comments