Higit 5-M tulong, naipagkaloob ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng landslide sa Davao de Oro

Umaabot na sa mahigit P5 million tulong ang naibigay ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng landslide sa Maco, Davao de Oro.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ang tulong ay binubuo ng family food packs, hot meals, hygiene kits, mga gamot, sleeping kits, tubig, bigas at iba pa.

Sa datos pa ng NDRRMC, halos 2,000 pamilya ang naapektuhan o katumbas ng mahigit 7,000 indibidwal mula sa apat na brgy. sa Davao de Oro.


Sa nasabing bilang, 1,424 pamilya o halos 5,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 13 evacuation centers.

Nasa 93 din ang nasawi dahil sa landslide, 35 ang sugatan habang walo pa ang kasalukuyang pinaghahanap at subject ng search and retrieval operations.

Samantala, 62 kabahayan sa nasabing rehiyon ang naitalang totally damaged kung kaya’t humahanap na ang pamahalaan ng paglilipatan ng mga naapektuhang pamilya.

Facebook Comments