Tuloy-tuloy ang Inter-Agency contingent ng Pilipinas sa pagsasagawa ng Emergency Medical and Urban Search and Rescue operations sa Türkiye matapos itong yanigin ng magnitude 7.8 na lindol kamakailan.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV simula nang magtayo ng field hospital ang ating team sa Adiyaman nakapagbigay tulong na sila sa 55 mga pasyente.
Ang ilan nilang mga nasagip mula sa mga guho ay agad na dinala sa ospital para sa karagdagang medical assistance.
Samantala, nasa 20 mga gusali narin ang na-assess ng ating contingent kung saan patuloy parin sila sa kanilang misyon na makasagip ng buhay mula sa mga gumuhong gusali.
Kasunod nito, sinabi ni Alejandro na nagpapasalamat ang gobyerno ng Turkey sa Pilipinas dahil tayo ang unang nakapagpadala ng medical team sa Adiyaman, 4 na araw matapos ang malakas na lindol.